VIGAN CITY – Malaki umanong tulong ang pagkakakuha ng video sa nangyaring pamamaril ng isang pulis sa mag-ina noong Linggo sa Paniqui, Tarlac.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Commission on Human Rights Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, ang nasabing video na nagkalat sa social media ay gumising at namulat sa katotohanan ang publiko at gobyerno kung saan kailangan itong maresolba.
Ngunit kahit nakakatulong ang video ay kalakip ang pangamba dahil nangyari ang shooting incident sa harapan ng maraming tao, isang matanda at babae ang isang biktima, hindi sila armado, ulo ang natamaan at walang nakikitang self defense ang ginawa ng pulis kung kayat malaki ang paglabag sa karapatang pantao sa mga biktima.
Iginiit din nito na huwag ng idamay pa ang anak ng suspek na si PSMSgt Jonel Nuezca dahil kailangan umanong igalang ang karapatan ng bata dahil marami pa aniya siyang di nauunawaan kaya isinailalim siya sa psychosocial intervention upang mahubog ang maling ugali at nakalakihan niya.
Hiniling pa niya na huwag ng ipakalat ang pagkakakilanlan ng bata dahil maaari umanong makaapekto sa hinaharap ang nasabing isyu.