Ibinunyag ng senior aide ni US President Donald Trump na hindi kayang pigilan ng administrasyon ang pandemya.
Sa halip, sinabi ng chief of staff ng White House na si Mark Meadows na ang COVID-19 ay maaari lamang talunin ng mga “mitigation area” tulad ng mga bakuna at therapeutics.
Ito ang reaksyon ng kampo ng Republican President nang biglang lomobo ang bilang ng mga nagpositibo sa virus nga record high, siyam na araw bago ang halalan sa pagka-pangulo ng bansa.
Inamin ni Meadows na ang pagkontrol sa virus ay hindi isang makatotohanang layunin sapagkat “ito ay isang nakakahawang virus tulad ng trangkaso.”
Sinabi naman ni Democratic nominee Joe Biden na ang ginawang pag-amin ng White House ay simbolo ng pagkatalo.
Ipinakita aniya ng Trump administration na sumuko na sila sa kanilang pangunahing tungkulin na protektahan ang mamamayan ng Amerika.
Kahit si Democratic nominee vice president Kamala Harris ay nagsabing inamin na ng Trump administration ang kanilang kawalan ng kakayahan. (with report from Bombo Jane Buna)