Inihalintulad ng isang eksperto sa isang tsunami ang Delta variant ng COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr Edsel Salvaña, director ng institute of molecular biology ang biotechnology ng UP Manila na mistulang tsunami sa tindi at dami ng nahahawahan ng Delta variant, ibig sabihin ay malawak ang bilang ng nakakapitan nito.
Ayon kay Salvaña, inaasahan nilang tataas talaga ang mga kaso kahit pa nasa ECG ang Metro Manila at ilan pang bahagi ng bansa nitong nakalipas na Agosto 6 hanggang Agosto 20, dahil higit tripleng beses itong nakakahawa.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Salvaña na hindi naman masasabing wala nang susulingan ang bansa dahil nagpapatuloy naman ang bakunahan.
Malaking bagay aniya na naitataas ng bakuna ang antas ng proteksyon ng bawat isa basta sasabayan pa rin ito ng pagtalima sa minimum public health standards, at social distancing policy.
Giit pa ni Salvaña, ang bakuna ang last line of defense sakali mang makaligtaan ang pagsunod sa minimum public health standards.
Napababa aniya ng bakuna ang pagkaka ospital sa 90% kapag tinamaan ng COVID-19.
Halimbawa aniya, kapag 3,000 ang naitalang severe cases dahil walang bakuna, magiging 300 lamang ito kung bakunado ang mga pasyente o kapag mas marami pa ang mababakunahan.
Sinabi pa ni Salvaña, mahalagang maunawaan ng publiko na natutulungan natin ang healthcare system kapag tayo ay nabakunahan.
Samantala, kung gaano karami ang nahahawa sa panahon ngayon sa virus makikitang nasa mahigit 500 kada araw ang natatanggap na tawag ng One Hospital Command Center (OHCC).
Ito ng nag-iisang referral system para sa healthcare providers na nag-alok ng telemedicine services.
Sinabi ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega nasa 530 calls per day ang natatangap ng One Hospital Command Center.
Aniya, tumataas ito kung ihambing sa unang linggo ng Hulyo na umabot lang sa 110 hanggang 120 calls.
Dagdag pa ni Vega na ang One Hospital Command ay nakapagtala ng halos 600 mga outgoing calls dahil kailangan ng mga tauhan upang malutas ang mga backlog.