Nalilito pa rin umano ang ilang mga local government units (LGUs) sa pagtutugma sa mga probisyon ng Bayanihan To Recover As One Act (Bayanihan 2) kaugnay sa proseso ng pag-iisyu ng mga permit ngayong COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ilang araw bago ang nakatakdang paglalabas ng isang supplemental Joint Memorandum Circular (JMC) kaugnay sa mas pinadaling guidelines para sa pag-iisyu ng permits, licenses, at certificates para sa pagtatayo ng mga telecommunications towers.
Ayon kay ARTA Director-General Jeremiah Belgica, magsasagawa ang kanilang ahensya ng karagdagan pang mga hakbang upang maalis ang pagkalito ng mga LGUs upang mas mapaganda pa ng bansa ang internet connectivity nito.
“Even if we are happy with the results of the recent improvement in our internet speed ranking, there are still some LGUs who are quite confused on how to harmonize the Bayanihan provisions with some of the provisions of the JMC,” saad ni Belgica.
“In order to address this, we’ve been working with the other signatories to come up with a supplemental JMC. This will also not streamline further but include the fiber optics and the broadcast towers,” dagdag nito.
Nakikipagtulungan na rin daw ang ARTA sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang mga kaukulang ahensya sa pag-draft ng circular.
Maglalabas ang ahensya ng panibagong circular sa susunod na buwan upang isama ang proseso para sa pagtatayo ng fiber optics at broadcast towers.