(Update) LEGAZPI CITY – Pinaiimbestigahan ng isang bokal mula sa Catanduanes ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng Philippine Army at ilang pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Taopon, bayan ng Panganiban.
Nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao ang insidente noong Setyembre 22, na kinilalang sina Lito Aguilar, 33-anyos, at Christopher Abraham, 31, na abaca stripper at taga-Barangay San Miguel sa naturang bayan.
Kaugnay nito, labis na kalungkutan at paghihinagpis ang laman ng privilege speech ni Provincial Board Member Robert Fernandez sa sinapit ng dalawa.
Sa tagal aniya nitong nakaupo bilang alkalde, kilala ang bayan sa pagiging tahimik at walang presensya ng sinasabing armadong grupo.
Giit pa nito na malinis ang police record ng dalawang namatay kaya ipinagtataka na ma-subject ang mga ito sa counter-terrorism efforts sabay hiling ang pagsisiyasat sa nangyari.
Samantala, napuno ng iyakan ang kasal ni Aguilar kahapon dahil imbes na magkahawak-kamay na magkatipan sa altar ang nasaksihan, malamig na bangkay sa kabaong ang tangan ng nobya nito.
Magdiriwang rin sana ng ika-31 taong kaarawan si Abraham sa darating na Biyernes.
Sa pakikipag-usap ni Fernandez sa tatlo pang survivor at punong barangay ng San Miguel, nagkayayaan lamang umano ang mga ito na manghuli ng isda na idadagdag sana sa handa sa kasalan bago mangyari ang insidente habang wala ring bitbit o pagmamay-aring armas.
Kasabay nito, umapela ng ayuda ang bokal sa lokal na pamahalaan para sa naiwang pamilya ng mga namatay.
Samantala sa isang panayam, binanggit ng Philippine Army ang pagiging bukas sa anumang imbestigasyon na isasagawa.