Pina-iimbestigahan na ni PNP Chief General Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagkamatay ng isang delivery rider sa Tondo, Maynila kung saan sangkot ang isang pulis.
Ang nasabing kautusan ni Eleazar ay base sa reklamo na inihain ng mga ka-anak ni Jason Capistrano, delivery rider na namatay matapos tamaan ng bala mula sa service firearm ni Police Corporal Oliver Ferrer na nakatalaga sa Manila Police District Station 1.
“I have already asked the Director, MPD about this case and the initial investigation revealed that the policeman and the victim are friends and it was a case of irresponsible gun ownership. The policeman was already disarmed, detained, and a case of homicide was already referred to the Prosecutor’s Office aside from the administrative charges that would be filed against him,” pahayag ni Eleazar.
Base sa inisyal na report, nagtungo sa Barangay 183, Zone 16 si PCpl Ferrer para bisitahin si chairman Joseph Lipasana sa Gagalangin kung saan, habang naghihintay sa labas ng Barangay ay pinaglaruan ng pulis ang kaniyang baril sa harap ng biktimang si Jason Capistrano dahilan para pumutok iyon at tamaan ang biktima.
Agad dinala ang delivery boy na si Capistrano sa Chinese General Hospital subalit idineklara na siyang dead on arrival.
Ayon kay MPD chief Police Brigadier General Leo Francisco, sumuko na si Ferrer at nadisarmahan na rin ito.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng biktima at tiniyak sa kanila na masusi nilang iimbestigahan ang kaso.
“Nauunawaan ko ang sakit at galit na nararamdaman ng pamilya ni Jason at personal akong humihingi ng paumanhin, at nakikiramay sa kanila. Tinitiyak ko na mananagot ang pulis na sangkot dito,” wika ni Gen Eleazar.
Dahil dito, ipinag-utos ni Eleazar ang regular na pagsasanay sa unipormadong hanay ng PNP para sa ligtas na pag-iingat at paggamit ng baril lalo na iyong mga nakatalaga sa labas.
Paliwanag ni Eleazar, itinataguyod ng PNP ang responsableng ownership para sa mga sibilyang nagnanais magkaroon ng armas habang mataas na pamantayan para sa gun safety at abilidad sa pagbaril naman para sa mga pulis.
“I have already issued a directive for the regular conduct of gun safety and marksmanship training purposely to avoid cases like this. Maging aral sana ito sa mga nagma-may-ari ng baril, lalo na sa mga kapulisan, na hindi laruan at kailanman ay hindi dapat ipagmayabang ang pagkakaroon ng baril,” wika ni Eleazar.
Dagdag pa ni PNP Chief, “Bilang mga pulis, ang pagmamay-ari at pagdadala ng baril ay kasama sa tiwala na ipinagkaloob ng ating mga kababayan na gagamitin ito para proteksyunan at hindi para perwisyuhin sila.”