Mariing kinondena ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ang pagkamatay ng isang kadete sa Philippine Military Academy dahil sa hazing.
Sinabi ni Elago na makikipag-uganayan siya kina Cagayan de Oro Reps. Rolando Uy at Rufus Rodriguez sa kung ano ang maaring gawin ng Kongreso para matiyak na ang pagkamatay ng PMA cadet na si Darwin Dormitorio ay maimbestigahan ng husto.
Dapat aniyang lamanin ng pagsisiyasat kung paano nasawi ang isang malusog na kadete bunsod ng “cardiac arrest secondary to internal hemorrhage”.
Mahalaga rin ayon kay Elago na malaman kung anong mga hakbang ang ginawa ng mga awtoridad nang magreklamo si Dormitorio ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ilang oras bago matagpuan na walang malay sa isang kwarto sa PMA Mayo Hall Annex.
Nauna nang inilagay sa restrictive confinement ang upperclassmen at mga kaklase ni Dormitorio habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa isang Facebook post, kinondena rin ni Rodriguez ang aniya’y “senseless death” ni Dormitorio, na isa sa kanyang constituent sa Cagayan de Oro.
Maghahain aniya siya ng resolution para paimbestigahan ang pagkamatay ng naturang kadete.
Pagkatapos silipin ang insidenteng ito, sinabi ni Rodriguez na asahan nang magrerekominda sila ng criminal charges laban sa mga sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio.