Malaking dagok umano sa teroristang grupo ang pagkakapatay ng militar sa Maguindanao sa ISIS- East Asia spokesperson at financial officer na si Abdulfatah Omar Alimuden alias Abu Huzaifah.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kay Wesmincom spokesperson Major Andrew Linao, nilinaw nito na hindi banyaga ang napatay na terorista kundi isang Pinoy na native ng Maguindanao.
Napatay si Abu Huzaifa sa ikinasang operasyon ng Joint Task Force Central nang 6th Infantry Division, Philippine Army kahapon ng hapon.
Sinabi ni Major Linao, matagal ng mino-monitor ng kanilang intelligence community ang galaw ng nasabing terorista lalo at may direkta itong koneksiyon sa international terrorist group na ISIS.
“For the information of everybody, Pinoy ito Maam a Maguinadanaon. It was a joint operation. Itong si Abu Huzaifa siya din ang in-charge at nasa transaction o finance officer ng Dawlah Islamyah Philippines na nag-ooperate sa bansa pero nag-rereport sa ISIS Central,” pahayag ni Maj. Linao.
Ayon kay Linao, maliban sa pagiging spokesperson ng ISIS-East Asia, si Abu Huzaifah ay sangkot din sa mga financial transactions ng Daulah Islamiyah-Philippines sa ISIS Central na ibig uamnong sabihin siya ang nagsisilbing financial officer ng teroristang grupo.
Samantala, binati naman ni Western Mindanao Command (WESMINCOM) chief, Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr. ang mga tropa na nakapatay kay Abu Huzaifah.
Itinuturing ng militar na isang malaking accomplishment sa hanay ng militar ang pagkakapatay dito.
Direktiba naman ni Lt.Gen. Rosario sa mga tropa, na paigtingin pa ang kanilang operasyon sa lugar laban sa mga local terrorists group.
Sinabi ni Major Linao, patuloy din nila mino-monitor ang presensiya ng mga banyagang terorista na namataan sa bahagi ng southern at western Mindanao.
“Ang pagkamatay ni Abu Huzaifa ay malaking tulong sa peace and order dito sa bansa natin especially nuong nakaraang mga linggo is nagkaroon tayo ng series of bombings dito sa southern part ng Mindanao, and as a finance officer kayang mag provide ng logistical requirement duon sa mga improvised explosive device at bomb materials, magkakaroon din ito ng malaking setback sa teroristang grupo,” pahayag pa ni Maj. Andrew Linao.