Iniimbestigahan na ng Israel ang dahilan ng pagkamatay ng 5 Israelis na binihag ng Hamas na natagpuan sa underground tunnel network sa northern Gaza strip.
Palaisipan kasi ngayon ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito kung saan ayon kay IDF spokesperson Rear Admiral Daniel Hagari nakabinbin ang isinasagawang post-mortems sa narekober na mga bangkay subalit kanila muna itong ipapaalam sa pamilya ng mga biktima.
Tatlo sa mga biktimang ito ay mga sundalo at 2 ang sibilyan na kabilang sa 240 katao na dinala ng Hamas militants sa Gaza Strip sa October 7 attack na naging hudyat ng giyera.
Ginawa ng Israel military ang publication na ito kasunod ng pahayag ni PM Benjamin Netanyahu na papaigtingin pa ng Israel ang mga operasyon nito sa halos 12 linggo ng giyera sa pagitan nila ng Hamas.
Una ng inihayag ng Hamas na ilan sa mga bihag ay nasawi sa pambobomba ng Israel sa Gaza at nagbantang bibitayin ang mga ito.