-- Advertisements --

ILOILO CITY -Labis din ang pagluluksa ng Department of Education (DepEd) sa pagkamatay ng mag-asawang principal at guro na nasagasaan sa Sen. Benigno Aquino Jr., Avenue Mandurriao sa Iloilo City.

Napag-alaman na ang mga biktima na si Joe Marie Osano, 49, ay school principal ng La Paz II Elementary School; habang ang asawa naman nito na si Alnie Dinah Pet-Osano, 45, ay officer-in-charge ng Ticud Elementary School.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Clarissa Zamora, Schools Division Superintendent sa Division of Iloilo, sinabi nito na napuno ng emosyon ang kanilang flag ceremony dahil sa sinapit ng kanilang pinakamamahal na mga guro.

Ibinahagi rin nito na bago pa man mangyari ang aksidente, tila may pangitain na ang principal kung saan nananamlay ito na nakakapanibago.

Kaugnay nito, naka-half mast na ang watawat ng Pilipinas sa dalawang paaralan bilang pagpapakita ng pagdadalamhati sa mag-asawa.

Sumisigaw din ng hustisya ang mga kapwa guro ng mga biktima kung saan hiniling nila na maparusahan ang driver ng Mazda MX5 sportscar na si Valencia, 32-anyos ng Zone 4 Escarilla Subdivision sa Barangay Airport, Mandurriao.