Kinondena ng Malacañang ang panibagong kaso ng pagkamatay ng isang overseas Filipino worker sa kamay ng kanyang among babae sa Kuwait.
Tahasang tinawag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na isang “malinaw na paglabag” sa nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 ang pagpaslang kay Jeanelyn Villavende.
“We consider Jeanelyn’s tragic death a clear disregard of the agreement signed by both our country and Kuwait in 2018, which seeks to uphold and promote the protection of the rights and welfare of our workers in Kuwait,” saad ni Panelo sa isang pahayag.
Nakikiramay naman ang Palasyo sa naulilang pamilya ni Villavende, na tubong Norala, South Cotabato.
“The [Department of Foreign Affairs] is closely monitoring the case as we look forward to its resolution for the rendition of justice to the deceased and her family,” ani Panelo.
Matatandaang pinirmahan noong Mayo 2018 ang “Agreement on the Employment of Domestic Workers” kasunod ng pagkamatay ng ilang mga manggagawang Pinoy sa nasabing bansa.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, inoobliga ang mga employers na payagan ang mga Pinoy workers na magkaroon ng nasa pitong oras na tulog, at ipinagbabawal din silang kumpiskahin ang kanilang mga pasaporte, maliban pa sa ilang mga pribilehiyo.
Inatasan na rin aniya ang Overseas Workers Welfare Administration na maglaan ng burial at livelihood assistance, maging scholarships sa kaanak ng napaslang na Pinay worker.