ROXAS CITY – Patay ang isang police officer matapos aksidenteng nabaril ang sarili sa loob mismo ng President Roxas Municipal Police Station sa bayan ng President Roxas, Capiz.
Nagtamo ng sugat sa ulo si Police Executive Master Sergeant Edgar Durias, 49-anyos ng Barangay Poblacion sa Panit-an, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Police Captain Armando Clavaton, hepe ng President Roxas-Philippine National Police, sinabi nito na ikinagulat nila kagabi ang narinig na dalawang putok ng baril.
Kaagad na hinanap ng mga pulis ang pinanggalingan ng putok hanggang makita ang duguang si Durias na nakabulagta sa sahig.
Nakita sa paanan ng biktima ang kanyang service firearm na 9mm pistol.
Kaagad na dinala sa Bailan District hospital si Durias ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Ayon kay Police Captain Clavaton, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na “accidental firing” ang nangyari.