Malaking dagok at lalo umanong lulubog ang teroristang Dawlah Islamiya terrorist dahil sa pagkamatay ng kanilang lider na si Ohwayda Marohombsar alias Abu Dar.
Ayon kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesperson Col. Gerry Besana, ang pagkasawi ni Abu Dar ay may malaking epekto sa local terrorist group.
Lalo pa umanong mahihirapan ang mga ito na makakuha ng malaking pondo sa International ISIS.
Inihayag ni Besana, sa mga bilang na mga foreign terrorists na napatay sa labanan, mag-iisip na raw ngayon ang iba pang mga banyagang terorista na magtungo sa Mindanao.
Siniguro naman ni Besana na hindi kailanman magtatagumpay ang teroristang grupo.
“Gusto namin ipakita sa kanila na wala silang pupuntahan kundi libingan, hindi sila martyr or anything because people now know na wala silang dinulot dito sa atin sa Pilipinas kundi kaguluhan,” wika ni Besana.