KORONADAL CITY – Malaking kawalan umano sa panig ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pagkamatay ng kanilang tagapagsalita.
Ito ang inihayag ni 6th Infantry Division Philippine Army Spokesman Maj, Arvin Encinas sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Encinas, nasawi si Bandong Mamalumpong alyas Kumander Abu Amir ng BIFF Karialan Faction sa Sitio Macantal, Brgy. Olandang, Midsayap North Cotabato sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP.
Aniya, maliban kay Kumander Abu Amir, patay din sa operasyon ang kasama nitong kinilalang si Nur Hamid Sabdullah.
Narekober naman ang M-14 at M-16 rifles, magazine at mga bala sa pinagtataguang lugar ng mga terorista.
Ikinalungkot naman ni Encinas ang pagkakasugat ng isang sundalo ngunit nasa mabuti na umano itong kalagayan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang operasyon ng militar at pulisya laban sa mga kasapi ng BIFF.
Siniguro din ng opisyal na mahina na ang grupo ng BIFF at hindi nila hahayaang makapagsagawa pa ng karahasan lalo na sa nalalapit na eleksyon.