Inirerespeto raw ng Department of Health (DoH) ang nagbagong posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DoH Sec. Francisco Duque III, sinabi nitong posible raw na may nakitang butas ang Pangulong Duterte sa panukalang paggamit ng medical marijuana.
Maliban dito, posible rin umanong mayroong bagong kaalaman ang pangulo sa epekto ng paggamit ng medical marijuana kaya nagbago ang kanyang posisyon.
Una rito, inaprubahan na ng mababang kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act, lima ang tumutol habang tatlo naman ang nag-abstain.
Sa kabila nito, nasa pangulo pa rin daw ang huling alas kung pipirmahan niya ang panukala o hindi.
Una rito, sa talumpati ng Pangulong Duterte sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Negros Occidental hindi pa raw napapanahon ang paggamit nito bilang gamot.