KORONADAL CITY – Sinariwa ng isa sa mga gold medalist ng SEA Games ang kaniyang karanasan at ibinahagi ang ilang tips para sa mga local contenders natin habang nalalapit ang prestihiyosong sports event dalawang araw mula ngayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa 2005 SEA Games gold medalist Henry Dagmil, mas mabuti aniya ang training ng mga atleta ngayon dahil mas advanced ang kanilang pagsasanay, kumpara dati na pumupunta pa sa seminar sa ibang bansa ang kanilang mga coach.
Mararamdaman rin umano ang psychological pressure ng mga contenders isa o dalawang araw bago ang big event katulad ng hindi makatulog dahil sa kaba at pressure.
Sinabi ng long jump gold medalist na isa umanong stepping stone ang pagkamit ng gold medal dahil nirerespeto umano ang atleta sa buong Southeast Asia.
Kampante rin itong makakakuha ng gold medals ang track and field athletes, lalo na’t gagamitin nila ang home advantage laban sa contenders.
Samantala, masama lamang umano ang kaniyang loob sa pagkakabilang ng ilang Filipino-Americans o mga dayuhan sa ating team dahil mawawalan ng prayoridad ang mga local athletes at sila ang bibigyan ng atensyon.
Mensahe na lamang nito na tulungan at ibigay ang siyento-porsyentong suporta sa ating national team.