Suportado umano ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kaisa ng AFP ang sambayanang Pilipino sa hangaring magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan.
Mahalaga aniya na magkaroon ng sapat na panahon para sa malawakang pagsangguni sa publiko hinggil sa nilalaman ng back channel talks upang masiguro na katanggap tanggap ito sa masang Pilipino.
Pagbibigay-diin ng opisyal na suportado ng militar ang peace talks na isinusulong ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Arevalo na magpapatuloy ang AFP sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin na pangalagaan at siguraduhin ang kapayapaan sa bansa.
Inaasahan na rin ng AFP ang kaliwa’t kanang opensiba ng New People’s Army (NPA), ngayong kanselado ang peace talks.
Tiniyak ng militar na hindi nila hahayaan na magkaroon ng pagkakataon ang komunistang grupo na makapaghasik ng kaharasan dahil kanila na itong uunahan.
Ayon kay Northern Luzon Command (Nolcom) Spokesperson Lt. Col. Isagani Nato, sunod-sunod ang kanilang operasyon laban sa NPA sa katunayan may mga naaresto at na-neutralized na mga miyembro na NPA.
Kinumpirma din ni Nato na patuloy pa rin ang ginagawang extortion activities ng NPA maging ang ginagawa nilang recruitment ng mga bagong miyembro.