BAGUIO CITY – Malaking banta sa seguridad ng Pilipinas ang pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Estados Unidos ng Amerika at ng Pilipinas.
Sa ulat sa Bombo Radyo ni Bombo International Correspondent Jun Villanueva na nakabase ngayon sa Los Angeles, California, sinabi niyang ito ang reaksiyon ng karamihan sa mga Pilipino sa Los Angeles, California ukol sa nasabing isyu.
Aniya, may mga Pinoy sa California na nagsasabing kung sakaling may lulusob sa Pilipinas ay walang pwedeng pagpasaklolohan ang bansa para sa karagdagang depensa dahil sa kawalan ng VFA.
Naniniwala aniya ang ilang Filipino Community sa Amerika na matapos makansela ang VFA ng Pinas at Amerika ay madali ngayon na lusubin ng ibang malalakas na bansa gaya ng China ang Pilipinas.
Dinagdag nila na dahil sa kawalan ng VFA ay mawawala ang mga benipisyo na nakukuha ng sandatahang lakas ng Pilipinas mula sa nasabing kasunduan gaya ng oportunidad na makapagsanay ang militar ng bansa sa Amerika ukol sa mga taktika para sa proteksiyon ng Pilipinas mula sa ibat-ibang banta.
Ayon pa sa mga ito, hindi kawalan sa Amerika ang VFA.