-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni Vice President Leni Robredo na malaki ang magiging epekto sa bansa ng pagkansela sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, maaapektuhan ng pagkansela sa nasabing kasunduan ang aspeto ng national security, maging ang modernization program ng AFP.

Binigyang-diin ni Gutierrez na malaki ang naitutulong ng Amerika sa Pilipinas sa pagbabahagi ng intelligence information at modernisasyon ng hukbong sandatahan.

Nitong Biyernes nang simulan ng Pilipinas ang proseso sa pagkansela ng VFA sang-ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang nagbanta ang Pangulo na ite-terminate ang VFA matapos kanselahin ang visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

“Maraming nagki-criticize sa mga probisyon sa VFA. Unequal daw. Sa akin, kung ganun ang pananaw, okay pag-aralan, tutukan,” wika ni Gutierrez.

“Huwag doon sa personal na parang dahil binawi ‘yung visa noong isang senador mag-aalboroto at tatapusin itong kasunduan na may malaking implication sa ating bansa,” dagdag nito.

Umaasa naman si Gutierrez na pag-aaralan nang husto ng Pangulong Duterte at ng kanyang mga advisers ang naturang hakbang.

“Alalahanin natin, hindi naman simpleng usapan lang ng pagtatampo ‘pag pumasok ka na sa ganiyang klaseng agreements sa pagitan ng mga soberanyang bansa,” anang opisyal.