-- Advertisements --
Bombo Music Festival

CAUAYAN CITY – Itinuring na birthday prayer para sa isang finalist ng 3rd National Bombo Music Festival 2020 ang pagkakapasok ng kanyang komposisyon sa 12 mga finalists.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose LG Fuentes ng Consolacion, Cebu, sinabi niya na sobrang saya niya na muling nakapasok ang kanyang song entry na pinamagatang “LDR” o long distrance relationship.

Noong 2018 ay unang nakapasok sa finals ang kanyang entry na may pamagat na “Panumpa.”

Aniya, birthday prayer niya ito dahil ang pagsusumite ng mga song entries ay bago ang pagdiriwang niya ng kanyang kaarawan at talagang ipinagdasal daw niya na makapasok sa finals ang kanyang entry.

Ayon pa kay Fuentes, sinulat niya ang “LDR” dahil batay ito sa kanyang mismong karanasan dahil pumunta sa ibang bansa ang kanyang minamahal.

Marami aniyang makaka-relate sa “LDR” dahil maraming overseas Filipino workers ang nasa ibang bansa para magtrabaho at naiwan sa bansa ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon pa kay Fuentes, may positive side ang “LDR” dahil may paraan para maging matatag ang relasyon ng isang pamilya o nagmamahalan.

Sinabi pa niya na siya lamang ang nag-compose ng kanyang song entry.

Unang itong nabuo nang makita niya ang isang babae na kausap sa kanyang cellphone, ang mahal niya na nasa ibang bansa.

Isinulat niya ang lahat ng mga nakita niya habang nakikipag-usap ang babae.

Natapos ang kanyang pagsusulat sa kanyang kanta noong Agosto 2018 at gusto sana niyang i-release bilang single album ngunit naisip niyang isali sa Bombo Music Festival dahil alam niyang marami ang makaka-relate sa kanyang awitin.

Pinayuhan niya ang mga may talento sa pagsulat ng kanta na magtiwala lamang sa kanilang sarili.

“Palaging magdasal at linangin ang talento na kaloob sa kanila ng Poong Maykapal,” payo pa ni Fuentes.