TACLOBAN CITY – Dalawang menor de edad ang naitalang patay matapos umanong makakain ng tahong na pinaniniwalaang apektado ng red tide toxin sa Barangay Bagacay, Daram, Samar.
Ayon kay Norberto Berida, regional director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Regional Office 8, ang mga namatay na bata ay nasa walo at tatlong taong gulang pa lamang.
Nananatili naman sa ospital ang apat pang miyembro ng kanilang pamilya.
Sa inisyal na report, isinugod ang buong pamilya sa ospital sa Samar matapos na makaranas ng pamamanhid ng katawan, pagsusuka at pagsakit ng tiyan, ilang oras matapos kumain ng tahong.
Idineklarang dead on arrival ang dalawang bata.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng BFAR tungkol sa insidente dahil kanilang ipinagtataka kung bakit kontaminado ng red tide toxin ang nakaing tahong ng pamilya.
Hindi raw kasi kasama ang Daram, Samar sa mga baybayin sa rehiyon na may red tide warning base sa kanilang weekly monitoring.
Naisumite na rin ng BFAR-8 ang seawater at shellfish samples ng Daram sa kanilang National Fisheries Laboratory Division para sa confirmatory test.