Naglabas na ng pahayag ang Senado hinggil sa nangyaring insidente kagabi, Hulyo 25, kung saan isa ang nasawi matapos mahulog sa ipinapatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Sa inilabas na pahayag ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Jose Bañas, agad na ipinaalam kay Senate President Chiz Escudero ang insidente at agad na ipinag-utos ang masusing imbestigasyon.
Batay sa ulat mula sa security team na nasa site at sa Southern Police District, pumasok ang biktima na hindi muna pinangalanan sa constructon area ng gusali bandang alas-9 kagabi.
Hinahabol umano ang biktima ng kanyang kasamahan at ng mga security guards ngunit hindi ito matunton.
Hinalughog din ng security team ang lugar at ni-review ang CCTV ngunit hindi nila nahanap ang biktima.
Bandang alas 10:00 ng gabi nang aksidenteng mahulog ang biktima sa North Tower ng New Senate Building pero hindi pa matukoy kung anong palapag ito nahulog.
Agad namang ipinagutos ng Senado ang paghihigpit ng seguridad sa lahat ng entry at exit points at facade barriers ng ipinapatayong gusali upang hindi na muling malusutan at mangyari ang kaparehong insidente.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Senado sa pamilya ng biktima.