KORONADAL CITY – Hindi umano isang tiyak na garantiya na matatapos na ang mga karahasang gagawin ng Islamic State terror group kasunod ng pagkamatay ng kanilang lider na si Abu Bakr al-Baghdadi.
Ito ang inihayag ni Marawi siege survivor Fr. Chito Suganob sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Fr. Suganob, sa pagkakasawi ni al-Baghdadi, posibleng mag-alab pa umano ang galit ng mga miyembro ng terror group na maghasik pa ng karahasan kasunod ng pagkamatay ng kanilang lider.
Aminado rin nitong patuloy pa siyang nagmo-move on kahit dalawang taon na ang nakakalipas matapos ang digmaan sa Marawi City.
Apela naman nito sa mga mamamayan na nawa’y magkaisa ang mga Kristiyano at mga Muslim dahil pareho lamang nananampalataya ang mga ito sa Panginoon.
Nananawagan rin itong huwag nang magpakalat pa ng mga maling impormasyon tungkol sa naturang usapin at kaagad itong idaan sa dayalogo upang mabilis na matapos ang problema.
Matatandaang nasawi si al-Baghdadi nang pinasabog nito ang kaniyang sarili nang pinasok ng US forces sa kaniyang kinaroroonan.