Binalewala lamang ni Brazilian President Jair Bolsonaro ang panawagan ni French President Emmanuel Macron na unahing talakayin ang pagkasunog ng Amazon rainforest sa gaganapin na G7 summit ng mga world leaders.
Tinawag din ni Macron na isang international crisis ang nangyaring trahedya sa itinuturing na “lungs of the earth” kung kaya’t dapat umano itong pag-usapan kaagad.
Ngunit hindi ito ikinatuwa ni Bolsonaro, aniya, hindi na raw dapat na makialam pa ang French president sa problema ng ibang bansa.
Dagdag pa nito, ginagamit lang umano ni Macron ang Amazon rainforest upang pumukaw ng pansin at magmukhang tunay na may pakialam sa naturang gubat.
Sa kabila ng patutsadahan ng dalawang pinuno, nagsimula na ang mga federal prosecutors sa Brazil upang imbestigahan ang rason sa likod ng mabilis na pagtaas ng deforestation at wildfire cases sa kanilang bansa.
20% ng oxygen sa buong mundo ay nagmumula sa nasabing gubat kung saan iba’t-ibang uri ng mga hayop at halamang gubat ang dito rin matatagpuan.