-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi at danyos ng sunog na sumira sa maraming stalls ng Lepanto Public Market sa bayan ng Mankayan, lalawigan ng Benguet kahapon.

Sinabi ni SFO2 Renato Sindo, arson investigator ng BFP-Mankayan na bagaman patuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente ay wala silang nakikitang may kinalaman ang arson sa nangyari.

Aniya, apektado ang 65 na stalls sa merkado publiko ng Mankayan dahil sa nangyaring sunog ngunit wala naman silang naitalang nasugatan dahil dito.

Nagsimula aniya ang sunog dakong alas-11:56 ng umaga kahapon at nadeklarang fire out pasado alas-2:00 ng hapon.

Sinabi naman sa Bombo Radyo ni Clyde Steven Wayagwag, isa sa mga nagrespondeng concerned citizen na nahirapan sila, kasama ng BFP-Mankayan sa pag-apula sa sunog dahil mabilis itong kumalat.

Napag-alamang maging ang mga residente doon ay tumulong sa pag-apula ng sunog sa pamamagitan ng tubig na inigib nila mismo mula sa kanilang mga tahanan.

Sinabi pa ni Wayagwag na matagal ng ginagamit ang nasabing public market ngunit ngayon lamang ito nasunog.