LAOAG CITY – Direktang inihayag ng isang political analyst na si Prof. Nestor Siazon sa lungsod ng Laoag na posible umanong mas marami pang negatibong reaksyon ang lumabas laban kay Chief Justice Diosdado Peralta lalong-lalo na sa mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo.
Ito ay dahil sa pagiging malapit umano ni Peralta sa pamilya ni dating Senador Bongbong Marcos na naghain ng electoral protest laban sa bise presidente.
Malaki rin umano ang posibilidad na ilalabas na ng Korte Suprema sa lalong madaling panahon ang resulta ng protesta ni Marcos at posibleng pabor ito sa dating senador.
Ngunit iginiit ni Siazon na kung pabor man sa dating senador ang magiging resulta ay dapat mayroon itong legal basis at hindi lang dahil sa pagiging malapit ng pamilya Peralta sa pamilya Marcos.
Samantala, sinabi nito na walang bias sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pormal na italaga si Peralta bilang punong mahistrado dahil sa magandang rekord favorable ang hakbang ng chief executive.