BUTUAN CITY – Malaki ang pasasalamat at sobra ang sayang nararamdaman ni Pinoy boxer Jayson ‘The Striker’ Vayson sa kanyang pagkapanalo laban kay Takeru Inoue sa kanilang away nitong Linggo sa Sumiyoshi Ward Centre sa Osaka, Japan.
Ang kanyang record-breaking victory laban kay Inoue bilang undefeated boxer sa light flyweight division, ang dahilan na kanyang nadepensahan ang kanyang World Boxing Organization o WBO Asia Pacific Light Flyweight title sa pamamagitan ng unanimous decision sa iskor na 96-94 , 96-94, at 97-93.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Vayson na netibong taga-Barangay Sinobong, Veruela, Agusan del Sur, na kinokonsidera niyang karma ang pagkatalo ni Inoue dahil sa iilang beses umano nitong pandaraya sa kanya at sa kanilang laban.
Isa na umano dito ay ang pandaraya ni Inoue sa kanyang timbang na sinundan pa sa paggamit umano ng Japanese boxer ng mas magaan na boxing gloves.
Hindi na umano niya pinapansin pa ang mga pandaraya dahil mas naka-focus siya sa kanyang target na ipanalo ang kanyang away kung kaya’t kinokonsidera niyang karma ang pagkatalo ni Inoue.