LEGAZPI CITY – Nangangamba ang agricultural group sa pag-ratsada ng Kongreso sa pagsulong ng Charter Change sa pamamagitan ng Constitutional Convention.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, binigyang diin nito na hindi makakatulong sa ekonomiya ng bansa ang isinusulong na Charter Change.
Sa ilaim kasi nito, binibigyang kapangyarihan ang mga foreign investor na 100% na magtayo ng negosyo sa bansa.
Nangangahulugan ito na aasa na lamang ang Pilipinas sa importasyon dahil siguradong babaha ng mga produkto sa bansa mula sa ibayong dagat.
Nanganganib din na maubos ang mga agricultural land dahil wala ng mapagtayuan ng bagong mga gusali sa mga lungsod para sa negosyo.
Kaya kung iisipin ayon kay Estavillo, dehado at kawawa ang lokal na industriya ng bansa partikular na ang sektor ng agrikultura sa isinusulong na Charter Change.
Malinaw aniya na mga dayuhan lang ang makikinabang dito lalo pa’t ang baba ng labor cost sa bansa na pabor sa mga foreign investor.