CAUAYAN CITY – Sinimulan na ng pulisya ang malalimang pagsisiyasat sa kaso ng binatilyong dinukot ng mga umano’y nakasibilyang pulis sa Sebastian St., Barangay 3, San Mateo, Isabela sa pangunguna ni Major Rolando Gattan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).
Matapos na lumutang ang ilang impormasyon na umano’y mga kasapi ng pulisya ang dumukot sa biktimang si John Eddie Ubaldo, alyas Gubling, 17, ay pinangunahan na ng IPPO ang pagsisiyasat sa naturang kaso.
Nagsagawa rin ng re-enactment ang mga kasapi ng San Mateo Police Station kasama si Major Gattan kung paano dinukot ang naturang binatilyo sa tulong ni Barangay Tanod Jovel Bernabe na siya ring tsuper ng tricycle na umano’y sinakyan ng mga pulis na tumangay sa biktima.
Kinuhanan na rin ng pahayag ng pulisya ang naturang barangay tanod na gagamiting batayan para sa pagsasampa ng kaso.
Gayunman hindi nito mapigilan ang mapaluha dahil sa sobrang takot para sa kanyang seguridad at ng kanyang pamilya dahil sa may natatanggap nang pagbabanta sa kanyang buhay.
Noong October 16, 2021 ng dukutin ng mga umano’y nakasibilyang pulis si John Eddie Ubaldo sa nabanggit na kalsada habang naglalakad pauwi kasama ang dalawang kaibigan.
Ayon kay Gng. Josephine Ubaldo na batay sa unang pahayag ni Bernabe, nakaparada siya sa harapan ng isang pharmacy nang sumakay sa kanyang tricycle ang dalawang nakasibilyang pulis at inutusan siyang habulin ang grupo ni Gubling na kasalukuyan nang naglalakad pauwi.
Inihayag ni Gng. Ubaldo na sinabi pa ng barangay tanod na mismong ang mga nakasibilyang pulis ang dumampot sa kanyang anak habang nakatakbo naman ang dalawa kaibigan nito.
Dahil sa takot ay sinubukan ng barangay tanod na humingi ng saklolo nang mapansing bunubugbog ng dalawang pulis ang binatilyo subalit pinagilan siya ng mga ito.
Inutusan siya ng mga pulis na ihatid sila sa himpilan ng pulisya subalit dahil sa nawalan ito ng gasolina ay ibinaba nalamang niya ang mga ito sa tabi ng isang lechonan at hindi na nakita kung saan maaaring dinala ang binatilyo.
Aminado naman si Mrs. Ubaldo na basagulero ang kanyang anak, subalit hindi ito nasangkot sa pagnanakaw at wala rin silang alam na atraso nito.