KORONADAL CITY – Nakipag-ugnayan na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 12 sa manning agency nang nawawalang Seaman na onboard ng cargo vessel na Contship Oak habang nasa karagatan na sakop ng bansang Turkey.
Kinilala ang missing na seaman na si Junnil Laplana Peliño, 36-anyos, may asawa at tatlong anak na residente ng Mabuhay, General Santos City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ms Christelyn Caceres, OIC Regional Director ng OWWA-12, lumapit sa kanilang tanggapan ang asawa ni Junnil na si Alona upang ipagbigay-alam ang nangyari sa biktima at humingi ng tulong na malaman ang totoong nangyari at ang kalagayan nito sa ngayon.
Isinalaysay din ni Alona na noong Agosto 31,2023 ang huli niyang kontak sa asawa sa pamamagitan ng video call kung saan sinabi nitong pauuwiin umano siya ng Kapitan ng barko dahil may nakaalitan ito doon na isa niyang kasama.
Ngunit hindi pa umano malinaw kung kailan siya pauuwiin at kung ano ang dahilan ng di pagkakaunawaan nila ng isang Pinoy na kasama niya sa barko.
Ngunit noong Setyembre 2,2023 ay tumawag umano ang isang Joshua Almazar ng TDG Crew Management Incorporated, crewing agency nito na nakabase sa Pasay City at sinabi kay Alona na nawawala umano si Junnil.
Hindi naman maipaliwanag ni Almazar kung ano ang nangyari at sinabi lamang umano na ipinaabot sa kanila ng kapitan ng Contship Oak ang pagkawala ng isa nilang crew.
Sa ngayon, blangko pa ang pamilya kung ano ang nangyari kay Junnil at umaasang buhay pa ito at makakauwi ng ligtas Hiling naman ng pamilya sa gobyerno na tulungan sila sa mabilis na paghahanap sa kanya.
Nais din nila na magpalabas ng opisyal na statement ang crewing agency ni Junnil dahil hindi nila umano pinapansin ang mensahe ng asaw nito at hiling ng pamilya na imbestigahan ang Bosun sa barko na siya umanong nakaalitan nito.
Napag-alaman na noong Hulyo 10,2023 lamang sumakay ng barko si Junnil at magdadalawang buwan pa lamang itong on-board. Nananawagan din ng panalangin para sa kaligtasan ni Junnil ang kanyang pamilya.