-- Advertisements --

Itinutulak ngayon ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang Senate Resolution 1290 upang parangalan ang yumaong beteranang aktres na si Gloria Romero, bilang ‘Queen of Philippine Cinema,’ na pumanaw noong Enero 25 sa edad na 91.

Binanggit ni Estrada ang mga mahahalagang kontribusyon ni Romero sa pelikulang Pilipino, kabilang ang kanyang talento sa pag-arte, kagandahan, at malalim na impluwensiya sa kultura ng bansa.

Pinuri niya rin ang kahanga-hangang karera ni Romero na nagsimula noong 1949, tampok ang kanyang pagganap sa mahigit 250 pelikula at TV shows.

‘Known for her remarkable beauty, sophisticated personality and acting prowess on TV and films, Romero thrived in her illustrious career as a respected woman and actress through the years,’ pahayag ng Senador.

Binanggit din ni Estrada na tinaguriang ‘First Lady of Philippine Cinema’ si Romero, at isa sa kanyang mga kilalang katambal sa pelikula noon ay ang kanyang ama, na si dating Pangulong Joseph Estrada, sa pelikulang ‘Patria Adorada’.

Maaalalang ang malaking tagumpay ni Romero o kilala sa tunay na buhay bilang Gloria Anne Galla ay dumating noong 1954 sa pelikulang ‘Dalagang Ilocana’, kung saan siya ay nanalo ng kanyang unang FAMAS Best Actress Award sa edad na 21.