CENTRAL MINDANAO-Tuluyan at mahigpit ng ipagbabawal ang ano mang uri ng pangongolekta o ‘unauthorized contribution’ mula sa mga magulang at mag-aaral sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Kidapawan.
Ito ang nakasaad sa Executive Order No. 060 na nilagdaan ni City Mayor Jose Paolo M. Evangelista kung saan ay bawal na humingi o mangolekta ng mga unauthorized contribution maging pera o in-kind ang school management mula sa mga guro, magulang at estudyante at obligadong sumunod ang lahat dito.
Malinaw sa EO No. 060 na bawal humingi ng pera o ano mang bagay ang sino man kung wala itong direktang kaugnayan sa academic development o sa ikabubuti ng pag-aaral ng mga bata sa mga eskwelahan.
Mapaparusahan ang sino mang mapapatunayang hindi sumunod sa EO No. 060 batay sa Executive Order number 292 o ang Administrative Code of the Philippines, Revised Rules of Procedure of the Department of Education in Administrative Cases at Article 213 ng Revised Penal Code.
Maaring magsumite ng written complaint sa pamamagitan ng liham o di kaya ay online gamit ang internet sa tanggapan ni Mayor Evangelista o di kaya ay sa City Legal Office upang maaksyunan ang ano mang reklamo.
Magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ang City Government of Kidapawan sa matatanggap na reklamo patungkol sa sapilitang paniningil ng kontribusyon.
Ganito rin ang aksyon na gagawin kung anonymous o hindi nagbigay ng pangalan ang nagpadala ng reklamo, dagdag pa ng alkalde.
Tiniyak naman ni Mayor Evangelista na dadaan sa tama, makatarungan at patas ang proseso ng imbestigasyon at aksyon na gagawin hinggil sa mga reklamo ng mandatory solicitations.
Samantala, exempted sa naturang EO ang mga school contributions na pinapayagan ng Order o Memorandum ng Commission on Higher Education at Department of Education.
Ipinag-uutos din ng EO #060 sa mga school heads, officials and teachers na dapat magbigay ng official receipt bilang ebidensya sa pagbabayad ng school contribution na pinapayagan ng CHED o he DepEd.