KORONADAL CITY – Itinuturing ng militar na malaking hamon para sa isinusulong na decommissioning process sa Bangsamoro region ang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) na isa sa mga hindi nagpapakita umano ng buong suporta sa itinatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay 6th Infantry Division Philippine Army spokesman Major Arvin Encinas, sinabi nito na isang banta para sa seguridad at peace and order ng Bangsamoro region ang presensiya ng mga MNLF members at iba pang armadong grupo na mayroong mga iligal o hindi lisensiyadong mga armas.
Ito ay kasunod sa nangyaring engkwentro sa pagitan nina Kumander Musa ng 104th base command ng MILF at Kumander Sema ng MNLF dahil sa kawalan ng koordinasyon sa pagpasok umano ng grupo ng MILF sa Camp Ibrahim Sema sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Major Encinas, unti-unting sumusunod na ang MILF members sa decommissioning process ngunit ang MNLF ay nananatiling armado.
Kung hindi umano makikiisa at makikipagtulugan sa proseso ng transisyon ang MNLF ay magiging problema pa rin sa huli ang pagiging armado ng mga ito.