Nirerespeto umano ni Senator-elect Bong Go ang pagtutol ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) sa kanyang isinusulong na term extension sa mga barangay officials hanggang 2022.
Sinabi ni Go, karapatan ng sinuman o anumang grupong tumutol o sumuporta sa isang panukala.
Ayon kay Go, hindi kasi kasalanan ng mga nakaupong barangay officials na napaiksi ang kanilang termino dahil sa kakapagpaliban ng eleksyon kung saan dalawang taon na lang ang natira para sa kanila.
Inihayag ni Go na paanong magagawa ng mga opisyal ng barangay ang kanilang plataporma sa maiksing panahon lang dahil sa pagkaka-postpone ng mga nagdaang eleksyon.
Batay sa isusulong na panukala ni Go, imbes na sa susunod na taon, sa 2022 na pagkatapos ng presidential elections isagawa ang barangay election.