-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinayuhan ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang Commission on Elections (Comelec) at ang Kongreso na kung maaari ay pag-usapan muna nilang mabuti ang pagkuha ng bagong kompanyang hahalili sa Smartmatic para sa 2022 presidential elections.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Comelec noong nakaraang linggo sa pagharap nito sa mga miyembro ng Filipino Community sa Japan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni LENTE Executive Director Atty. Ona Caritos, na hindi umano simpleng usapin lamang ang paghanap ng bagong kompanya na hahalili sa trabaho ng Smartmatic sa automated elections sa bansa dahil mayroong bagay na kailangang ikonsidera.

Aniya, kailangan din umanong pakinggan ng Kongreso ang Comelec dahil minsan ang nangyayari umano ay wala ng ibang pagpipilian ang poll body kung hindi ang bilhin na lamang ang mga makinang nauna nang nagamit sa mga nakalipas na automated elections dahil walang pondong nakalaan para sa mga bagong makina na manggagaling sa bagong kompanya.