Inanunsyo ng Los Angeles Lakers na ang kanilang trade para makuha si center Mark Williams mula sa Charlotte Hornets ay binawi na.
Sinabi ng Lakers na binawi ang deal “dahil sa kabiguang matugunan ang isang kondisyon ng trade,” ngunit walang ibinigay na karagdagang detalye hinggil sa partikular na isyu.
Ang trade ay napagkasunduan noong Miyerkules ng gabi, kung saan ipinagpapalit ng Lakers ang rookie na si Dalton Knecht, Cam Reddish, at ilang draft considerations kapalit ni Williams, isang third-year center. Kasama rin sa trade ang unang-round pick ng Lakers sa 2031 at isang first-round pick swap sa 2030.
Isinagawa ito dahil sa pangangailangan ng Lakers ng isang malaking manlalaro upang pumalit kay Anthony Davis, na ipinagpalit sa Dallas kasama si Max Christie kapalit ni Luka Doncic. Gayunpaman, agad na pumutok ang spekulasyon online na ang dahilan ng pagbawi ng trade ay ang kasaysayan ng injury ni Williams kung saan sa tatlong taon, nakapaglaro lamang siya ng 84 na laro sa NBA dahil sa problema nito sa likod at iba pang mga karamdaman.
Ang pagkansela ng trade ay nagdulot ng dagdag na kaguluhan sa koponan ng Lakers, na patuloy na nagtatala ng magandang performance sa kabila ng mga magulong pagbabago sa kanilang roster. Nanalo sila ng limang sunod-sunod na laro at 11 sa huling 13, kabilang ang 124-117 na panalo laban sa Indiana Pacers noong Sabado oras sa Amerika, kahit na wala sina LeBron James at Doncic.
Ngayon, ang Lakers ay nawalan ng isang subok na malaking manlalaro upang makapareha si Jaxson Hayes, na inaasahang lilipat sa bench matapos dumating si Williams.