Papayagan umano ang publiko na kumuha ng larawan sa Manila Bay Sands, ngunit sa malayuan lamang.
Ayon kay PLt. Col. Alex Daniel, officer-in-charge ng Manila Police District Station 5, maaaring kumuha ng pictures ang mga tao sa sidewalk at hindi sa loob ng “white sand” area.
Sa ngayon, sinabi ni Daniel na nagbaba ng kautusan si Manila Mayor Isko Moreno na isara muna ang lugar dahil sa nangyari noong nakalipas na araw.
Kung maaalala, bumuhos ang mga tao sa lugar nitong nakalipas na weekend kung saan hindi na nasunod ang minimum health protocols tulad ng social distancing.
Kahapon nang makiusap si Moreno na huwag munang magtungo sa lugar ang publiko lalo na’t humaharap ang bansa sa coronavirus crisis.
Giit pa ng alkalde, sapat na raw na nakita ng publiko ang Manila Bay Sands sa pamamagitan ng media.
“Pakiusap ko lang sa mamamayan, gustuhin man nating makita ‘yung Manila Bay white sands, e siguro may iba pa namang panahon,” wika ni Moreno. “Ipagpaliban po muna natin ang pagpunta.”