-- Advertisements --

Niluwagan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkuha ng travel authority.

Ayon kay JTF Covid Shield Commander, Lt. Gen. Guillermo Eleazar mas maluwag at mas madali na ngayon ang pagkuha ng travel authority para sa ating mga kababayan na gustong bumiyahe sa ibang lugar ng bansa.

Ayon kay Eleazar hindi na kailangang kumuha pa ng travel authority kung ang biyahe lamang ay sa Metro Manila at ganoon din sa mga probinsya.

Paliwanag ng heneral, ang mga lalabas ng Metro Manila ay kailangan nilang kumuha sa alinmang limang Police Districts at hindi na sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Batay sa direktiba nina Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano at PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang mga chief of police (COP) na ang magbibigay ng travel authority kung sa probinsya lang ang biyahe.

Ngunit kung lalabas na ng probinsya at rehiyon ay kailangan ang regional director, provincial o city director ang magbibigay ng travel authority.

Pangunahing requirement parin bago bigyan ng travel authority ay ang Barangay certification na ang bibiyahe ay hindi nagkaroon ng sintomas ng COVID 19 sa nakalipas na 14 na araw at Medical Certificate mula sa Municipal o City Health Office.

Paalala pa ni Gen. Eleazar, ang mga emergency at mahahalagang lakad lang dapat ang dahilan ng biyahe dahil matindi pa rin ang banta ng COVID 19.

Una ng inihayag ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na mahigpit parin ipatutupad ang travel restrictions ngayong nasa GCQ at MGCQ.