Iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na karapatan ng publiko ang kumuha ng video o larawan ng krimen.
Ginawa ni IBP president Domingo Cayosa ang pahayag kaugnay ng pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac nitong Linggo.
Paliwanag ni Cayosa, ang krimen ay hindi lamang pagkakasala sa publiko kundi pagkakasala rin sa bansa kaya naman may karatapang kunan ito ng video at larawan ng mga mamamayan.
Wala umanong puwang dito ang karapatang pampribado.
Gayunman, hindi aniya dapat gamitin ang pag-video at pagkuha ng larawan para hadlangan ang paggampan ng mga otoridad ng kanilang tungkulin.
Wala rin umanong magagawa ang mga kinauukulan kundi paalalahanan ang mga mamamayan na mag-ingat at tanggapin ang posibleng epekto nito sa kanila.
Idiniin nitong talaga namang tungkulin ng mga mamamayan ang mag-video o kumuha ng larawan pero dapat na ibigay nila ang mga ito sa mga otoridad upang mahuli at maparusahan ang mga kriminal.
Una rito, sinabi ni PNP chief Debold Sinas na dapat magdahan-dahan ang mga mamamayan sa pag-video o pagkuha ng larawan sa isang krimen para na rin sa kaligtasan ng mga ito.