Target tapusin ng Manila International Airport Authority ang pagkukumpuni nito sa mga depektibong escalators sa Terminal 2 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.
Ito ay matapos na punahin at magpahayag ng pagkabahala si Senate Presidente Juan Miguel Zubiri sa ilang buwan nang hindi gumaganang escalator sa naturang paliparan.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa contractor nito ipinaliwanag daw nito na posibleng abutin ng hanggang anim na buwan ang pagkukumpuni sa naturang mga escalator nang dahil sa kawalan ng availability ng spare parts nito.
Aniya, hindi siya nasiyahan sa naging paliwanag ng naturang contractor kung kaya’t nag-iba na aniya sila ng pinagkukunan kung saan bumili na lamang sila ng made in China na mga piyesa kasabay ng pagtatakda ng timeline para sa agarang pagkukumpuni nito.
Dagdag pa ng opisyal, nais na nilang agad na maayos ang mga escalator sa naturang paliparan sapagkat nakikita na rin aniya nila ang epekto nito nito sa mga indibidwal na nasa paliparan.