-- Advertisements --

Inilarawan ng senior Catholic bishop ang pagkulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague bilang spiritual grace at maaaring huling pagkakataon na niya para magbalik loob sa Diyos at hinihimok ang mga tagasuporta ni Duterte na tignan ito bilang isang espirituwal na pagkakataon sa halip na isang political resistance.

Binanggit ni Bishop Patricio Buzon ng Bacolod sa kaniyang homilya sa isang misa ang Banal na Kasulatan, kung saan sinabi nito na si Duterte, na malapit ng mag-80 anyos, ay nabubuhay sa hiram na oras o panahon at ang kanyang pagkakakulong ay maaaring magsilbing isang “moment of reckoning”.

Sinabi din ni Bishop Buzon na ang panahon sa kulungan ay mas makapangyarihan kesa sa anumang spiritual retreat.

Aniya, kung ang mga tapat na tagasunod ni Duterte ay nagpahayag ng walang hanggang pagmamahal sa kanya, dapat umano nilang ipakita ito sa pamamagitan ng pagpapanatili kay Duterte sa The Hague.

Giit pa ng Obispo na si Duterte ay anak ng Diyos at nais ng Diyos na siya ay maligtas dahil hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng masamang tao sa halip ay dapat na talikdan nito ang kanyang mga maling nagawa at mabuhay.

Nagbabala din ang Obispo na ang ‘bulag na panatisismo’ ay nagdudulot ng pagkakahati-hati sa bansa, at hinimok ang publiko na unahin ang pagmamahal sa bayan kaysa sa pagiging loyal sa pulitiko at labanan ang pagkalat ng fake news.