Pinag-aaralan na ang pagkwestyon sa Supreme Court (SC) sa bagong kalalagda pa lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na P5.768 trillion na panukalang pondo para sa susunod na taon.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, nagpapatuloy ngayon ang ginagawang legal na pag-aaral para kwestyunin sa Korte Suprema ang constitutionality ng kapapasa pa lamang na 2024 proposed budget.
Magugunitang, sinita na ni Pimentel ang pagtaas ng unprogrammed funds mula sa P281 billion na orihinal na hiling ng ehekutibo dahil bigla itong tumaas sa P730 billion o nadagdagan pa ng P450 billion nang isalang sa bicameral meeting ng dalawang kongreso.
Sa paniniwala pa ng Senador, nilalabag dito ang constitutional provision na nagsasaad na hindi pwedeng dagdagan ang appropriation na inirerekomenda ng ehekutibo, pero ang posible lamang ay tapyasan, ilipat o panatilihin ang alokasyon.
Dahil aniya sa malaking dagdag sa pondo ay lumalabas na lagpas na sa P5.7 trillion ang national budget at kung susumahin ito ay nasa P6.4 trillion na ngayon.
Hindi naman nagbigay ng komento si Pimentel sa pagkakalagda ng Pangulo sa pondo sa susunod na taon at aniya’y prerogative ito ng Presidente tulad ng isang mamamayan na may karapatan ding kwestyunin ang constitutionality ng budget law.