Binigyang-diin ng Supreme Court na ang paglabag sa mga ordinansa at regulasyon ay hindi sapat na basehan para magsagawa ng warrantless “search and seizure,” lalo na kung hindi naman pagkakakulong ang parusa sa mga ito.
Sa isang desisyong isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, pinawalang-sala ng Second Division ng Korte Suprema ang isang lalaki na nahatulan ng illegal possession of firearm matapos sabihin ng Korte na “inadmissible” o hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya ang nakumpiskang baril dahil ito ay produkto ng isang iligal na search and seizure.
Sa ilalim ng Rule 126, Section 13 ng Rules of Court, maaaring pahintulutan ang mga search and seizure na walang warrant kung ito ay bahagi ng isang ligal na pag-aresto. Pero dapat munang isagawa ang ligal na pag-aresto bago pa ang warrantless search and seizure.
Sa kasong ito, ang naging batayan ng mga pulis sa pagtugis sa akusado ay ang naging paglabag nito sa mga alituntuning pantrapiko sa pagpasok sa isang kalsadang one-way, na mauuwi lang dapat sa pagkumpiska sa lisensya ng motorista. Samakatuwid, sa kabila ng kanyang paglabag sa pagpasok sa one-way na kalsada, hindi siya under arrest nang habulin siya ng mga pulis.
Dahil walang bisa ang naganap na pag-aresto, wala ring bisa ang sumunod na warrantless search, ayon sa Korte.