DAGUPAN CITY – Posibleng gamitan na rin ng makabagong teknolohiya ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Dagupan ang paglaban nito sa sakit na Dengue.
Ito’y matapos ng i-endorso ng Dagupeño at kilalang Big data analyst na si Mr. Wilson Chua, ang ideya nito sa pamamagitan ng paggamit ng tinatawag na ‘coconut bomb’. Nakapaloob dito ang cultured na bacterium Bacillus thuringiensis israelensis (BTI).
Kapag itinapon sa stagnant water ang coconut bomb, mapapakawalan ang BTI at papatayin nito ang mga lamok na nasa larval stage.
Ang paggamit nito ay sasabayan ng isang computer mapping technology na siya namang magtuturo o tutukoy sa lokasyon ng mga stagnant water sa lungsod.
Bahagi din ng programa nito ang paggawa ng Mosquito Real Time Census Project layon naman nito matulungan ang komunidad na maiwasan ang pagkakatala muli ng sakit na dengue kahit pa ng zika sa hinaharap.
Isa aniya itong makabagong teknolohiya na ginagamit bilang preventive measure. Paliwanag pa ni Chua, gumagana ito sa pamamagitan ng pagkolekta ng data ng project at mababalaan ang mga barangay dalawang linggo bago ang inaasahang paglabas ng kaso ng dengue kayat agad na mabibigyang babala ang komunidad upang masugpo ito bago pa man magsimula at lahat aniya nito ay base sa mga technical data.
Umaasa naman si Chua, na magsiset ng trend ang Dagupan sa buong bansa sa paglaban sa sakit na Dengue gamit ang makabagong teknolohiya.
Nabatid na iprenisenta na ni Chua ang kaniyang panukalang programa sa Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Dagupan City Mayor Brian Lim, City Health Officer Ophelia Rivera at sa ilang mga stakeholders.
Target na makamit ng LGU Dagupan ang near zero Dengue sa mga susunod na buwan gamit ang proyekto ni Chua bukod pa sa una ng ginagamit na mosquito fish ni BFAR-NIFTDC Director Dr. Wesley Rosario. Sa kasalukuyan, umakyat na sa 148 ang naitalang kaso ng sakit na dengue dito sa lungsod.