-- Advertisements --

Inamin ng panig ng oposisyon partikular ng kampo ni Vice President Leni Robredo na magiging mahirap na kalaban sa 2022 national elections ang ieendorsong presidential candidate ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa kabila umano ng tinatanggap na kritisismo ng Duterte administration sa pagtugon nito sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Office of the Vice President (OVP) spokesperson Barry Gutierrez, hindi maitatanggi ang tinatamasang popularidad ni Pangulong Duterte, dagdag pa ang kanyang malakas na social media presence.

Ayon kay Gutierrez, malinaw na isang “uphill battle” o pahirapan ang paglaban sa isang popular na presidente batay sa mga survey kaya kailangan ng malaking resources at malawak na social media machinery.

Inihayag ni Gutierrez na magiging mahirap ang kampanya para kay VP Robredo sakaling magdesisyon itong tumakbo sa pagka-presidente dahil nasanay ito sa face-to-face interactions.

Sa ngayon habang hindi pa naaabot ang target na herd immunity mula sa COVID-19 pandemic, hindi pa umano masasabi kung ano ang magiging itsura ng pangangampanya.

Kung wala daw personal na pakikipagharap at pakikihalubilo sa publiko dahil sa COVID-19, posibleng malaking factor dito ang social media at bentahe raw ito ng administrasyon.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Gutierrez na gaano man kahirap ang laban, makakakaya naman daw maipanalo.