-- Advertisements --
Trump car covid

Pinuna ng mga doktor ang ginawang paglabas ni US President Donald Trump sa Walter Reed National Military Medical Center kasama ang kaniyang mga security aides upang kumaway sa kaniyang mga supporters sakay ng SUV sa labas ng hospital.

Tinawag ni medical analyst Dr. Jonathan Reiner na “amazingly irresponsible” ang ginawa ng Republican President dahil inilagay nito sa panganib ang kalusugan ng kaniyang mga staff lalo pa’t nagpositibo ito sa isang nakakahawa at nakamamatay na sakit.

Kahit ang attending physician ng Walter Reed ay hindi nagustuhan ang ginawa ni Trump dahil nagdulot ito ng peligro sa kalusugan ng mga  Secret Service agents na kasama niya sa loob ng sasakyan.

Depensa naman ni White House spokesman Judd Deere, may pahintulot mula sa medical team ang ginawa ng pangulo kung saan nakasoot ng PPE ang kaniyang driver at security.

Una nang sinabi ni White House physician Dr. Sean Conley na pinapainom nila ang pangulo ng  steroid drug dexamethasone  bilang bahagi ng kanyang COVID-19 treatment matapos sunod-sunod ang pagbaba ng kaniyang oxygen level.

Napag-alaman na ang nasabing gamot ay ibinibigay sa mga pasyenteng malala na ang sakit.