Iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y pagtakas palabas ng bansa ng negosyanteng si Xian Gaza sa kabila ng mga kasong hinaharap nito.
Sa isang panayam sinabi ni DOJ spokesperson Usec. Markk Pete, inatasan na ng kagawaran ang Bureau of Immigration na siyasatin ang ulat matapos i-post ni Gaza sa kanyang social media account na nakalusot siya sa paliparan noong nakaraang taon.
Makikita sa naturang post ang pagsasalaysay ng akusado sa detalye ng kanyang biyahe patungong Singapore, Taiwan at Hong Kong.
May mga larawan din nito na nasa loob ng paliparan, gayundin ang pagkakalusot umano nito sa immigration officials.
Sinabi pa nito na nilalakad na niya bagong identity at citizenship sa isang bansa sa Latin America.
Kung maaalala, nakilala si Gaza nang imbitihan nito ng date ang aktres na si Erich Gonzales sa pamamagitan ng isang billboard.
Inaresto ito noong Abril ng 2018 dahil sa kasong paglabag sa Anti-Bouncing Checks Law.
Bagamat nakalaya ito dahil sa piyansa ay nahaharap si Gaza sa tatlong arrest warrant.