-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mas makakabuting ilagay sa trust fund ang coco levy funds para matulungan ang mga magsasaka ng niyog.

Ito ang paniniwala ni Cong. Tonypet Albano ng 1st District ng Isabela sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Ayon kay kinatawan Albano, tama ang naging punto ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahirap ang magtalaga ng taong hahawak ng dang bilyong pisong coco levy fund na pera ng mga magsasaka ng niyog sa bansa at maaring makurakot lamang.

Ayon sa mambabatas mainam na gawing subsidiya na lamang ang nasabing pondo para palakasin ang industriya ng niyog sa bansa.

Maganda rin ang balak ng pamahalaan na ang magiging interest na limang bilyong piso ay pakikinabangan ng mga magsasaka ng niyog para maging tulong din sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Matatandaan na binanggit ng pangulo sa kaniyang SONA na tama ang naging desisyon ng Korte Suprema na huwag nang ibalik ang pera sa mga magsasaka dahil mahihirapan ang pamahalaan na kilalanin kung sinu-sino ang nararapat na tumanggap ng pera.

Nabuo ang coco levy fund noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na may layuning tulungan ang mga magsasaka ng niyog.