-- Advertisements --
Gatchalian
Sen. Sherwin Gatchalian (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Inirekomenda ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglalaan ng P1.9 bilyon para sa hiring ng 5,000 na administrative officers at 3,000 na project development officers upang matulungan ang mga guro mabawasan ang kanilang mga gawaing administratibo.

Ayon kay Gatchalian, ito ang dapat aksyunan upang iangat ang kalidad ng pagtuturo sa mga klasrum.

Batay sa pag-aaral ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), lumalabas na walang nakalaan sa 2024 national budget ng DepEd para sa hiring ng non-teaching personnel, kaya mungkahi ng Senador na ilagak ang pondo sa ilalim ng Personnel Services ng kagawaran para sa paglikha ng 5,000 na posisyon para sa Administrative Officer II at 3,000 para sa Project Development Officer.

Paliwanag ng mambabatas, nakakaapekto sa kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan ang dami ng mga dagdag gawain sa mga guro.

Noong 2022, hinimok ni Gatchalian ang DepEd na pag-aralan ang rekomendasyon ng Philippine Institute for Development Studies kung paano mabibigyan ang mga guro ng mas maraming panahon para sa pagtuturo.

Isa ito sa mga rekomendasyon ng Senador nang ibahagi niya ang resulta ng isinagawang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).

Plano naman ni Gatchalian na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas akma sa pangangailangan ng mga guro sa kasalukuyan.