Hindi raw maaring pigilan ng Commission on Elections (Comelec) ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paglabas ng pangalan ng mga kandidatong kabilang sa kanilang narco list.
Sa isang panayam, iginiit ni Comelec chairman Sheriff Abas na “call” daw ng DILG at PDEA kung ilalabas nga ba o hindi ang naturang listahan.
Wala rin aniya silang nakikitang problema sakaling ilabas ng dalawang ahensya ng pamahalaan ang listahan ng mga narco politicians na sangkot sa illegal drug trade.
Para kay Abas, sakaling may basehan naman daw ang mungkahi ng DILG at PDEA, may mandato naman daw ang mga ito na gagabay sa kanilang gagawing hakbang.
Samantala, sinabi ng chairman ng poll body na ang pagkakadawit ng pangalan ng isang kandidato sa narco list ng gobyerno ay hindi naging basehan nila sa disqualification na ginawa sa pagtakbo sa anumang elective position sa bansa.